Sunday, November 28, 2010

OOOHLALA KARE-KARE!

Ano ang buhay kung walang pagkain? Siguradong ito ay magiging matamlay at walang kahulugan. Hindi nga rin ito matatawag na “buhay”, sapagkat kung walang pagkain, walang ring buhay. Kailangan nga natin ang pagkain upang makaraos sa araw-araw, ngunit hindi rin naman magiging kumpleto ang ating mga buhay kung hindi dahil sa ating pagkain. Hindi ko lubos maisip ang buhay na walang pagkain sapagkat masasabing ito ang puso n gating pang-araw-araw na buhay. Kapagka mayrrong mga pagdiriwang, palaging mayroong handa. Masasabi nga ng isa na ang mga handa ang buhay ng mga pagdiriwang. Likas na rin an gating pagkakahilig sa pagkain. Kahit ako ay alam na hindi ako makakaraos ng walang pagkain. Hindi ko rin maipaliwanag ang pakiramdam na dulot ng pag-kain sa akin. Gusto ko rin na dinadahan-dahan ito dahil sa gusto kong ninanamnam ang lasa at aroma kapag ako’y kumakain – kahit ano pa ang handa. Para bang ang bawat kagat ay isang regalo ko sa aking sarili. Maraming nagsasabi na ubod ng bagal akong kumain, ngunit gaano man ito kahibang, likas lamang ito sa akin. Maraming ring nakapapansin nito. Maraming mga naiinis, maraming nahihiwagaan, marami rin nagtatanong kung bakit ang kupad kong kumain sapagkat minsan isang pirasong yema lang naman ang kinakain ko, pero inaabot ako ng 10 minuto para lamang maubos ito. Ewan ko, hindi ko mapaliwanag. Kakaiba ung pakiramdam na tipong nakakatuklas ako ng pag-ibig sa unang tingin sa lahat ng timpla ng lasa. Kabaliwan ba kamo? Hindi para sa’kin.

Maraming suliranin ang ating hinaharap sa buhay na iba-iba ang antas. At kahit na nakakapagpaganda ng pakiramdam ang pag-kain, minsan ay nakadaragdag lamang ito sa hirap ng buhay. Ang pagpapasya nga lang kung ano ang paborito mong pagkain ay mahirap na dahil sa napakaraming pagpipilian. Lahat ay mukhang masarap. Kung ang ating mga dila ay mga hurado sa pagtutuos ng mga ulam, magiging mahirap ang pagpili ng panalo. Para sa akin, kung ang lasa ng isang pagkain ay nagdulot ng magandang pakiramdam sa akin, ito ay tiyak na mabibilang sa aking mga hilig.

Lumaki ako sa mga pagkaing pangmaharlika sa sarap. Ang aking nanay ay mahusay magluto, at hindi sya maihahambing sa kahit na sino pa. Parati akong nanunuod at nakikitulong kapag siya’y nagluluto na. Naaalala ko pa nga noong bata pa ako, parati akong nahihila palabas ng aking silid dahil sa masarap na aroma ng isang handang ulam-Pilipino na linuluto lamang niya kapag may mahalagang kaganapan. Masasabi kong hindi ko pa ganoon kakilala ang mga ulam-Pilipino noon dahil sa lumaki ako sa ibang bansa at hiyang ako sa mga pagkain doon. Pero ang isang ulam-Pilipino, “Kare-kare” kung kanilang tawagin, ang nagpatibok ng aking puso. Noong mga panahon na iyon, hindi ko pa alam kung ano iyon at kung anong mga rekados ang mayroon ito. Ang tanging alam ko lang ay ito ay langit sa aking dila.

Alam kong nais niyo rin ito matikman, kaya eto na ang mga sangkap upang makaluto ng Kare-Kare:
1/2 kilo beef (tender cut from sirloin or round) cut into chunk cubes
2 oxtail
2 pig hocks
7 cups water
Pinch salt & pepper
1/2 cup oil
4 tablespoons atsuete oil
2 heads garlic (minced)
2 medium sized onions (diced)
1/2 cup bagoong alamang
3 cup ground nuts or 4 cups of peanut butter
1/4 cup ground toasted rice
5 pieces eggplant (sliced into rings)
1 banana bud (cut to almost proportional to eggplant slices, blanch in boiling water)
1 bundle sitaw (string beans) cut to 2" long



Ayon sa Wikipedia, ang kare-kare ay isang lutuing Pilipino na may katas ng mani at mga laman at paa ng baboy o laman at buntot ng baka. Kadalasang may bagoong kasama para isang sawsawan. Maaari ring gamitin ang paa ng baka. Sa halip na sarsa ng mani, ipinamamalit kung minsan ang gata ng buko sa paggawa ng kare-kare.  

Ang ulam na ito ay nagsilbi bilang isang pangunahing pagkain. Siguraduhing kapag inihanda ang ulam na ito ay mainit. Sabi nila mahirap magluto nito dahil matrabaho, pero pagtapos niyo maluto ito tanggal ang pagod nyo.  Ang kare-kare ay medyo matabang, pero masarap ito kapag may alamang. Basta para sa akin, wala pa rin tatalo sa Kare-Kare, Kung hindi mo pa ito natitikman: ang sarap kea? Itry mo! Di mo pagsisisihan ang desisyong ito, dahil sa isang tikim palang, abot langit na ang iyong kaligayahan. Kaya’y tara na, tayo’y kumain na ng paborito kong Kare-Kare! :)

-Heather McNaughton

Masasarap na gulay sa giniling na mani :)

KARE-KARE





Madaming putahe sa ating bansa ang talaga namang napakasasarap at hindi ito maitatanggi ng mga tao, taga Pilipinas man o mga dayo mula sa ibang mga bansa sa buong mundo. Masyado nga naman talagang malikhain ang mga Pilipino at sila'y nakakalikha ng mga putahing pang-world class. Isa na sa mga ito ay ang Kare-Kare na aking sobrang paborito. Sa tuwing ito ang kakainin ay sadyang nakakalimutan ko ang mga salitang gaya ng "diet", "pagtititpid" at kung ano-ano pa. Bakit kinakailangang magtipid kung Kare-Kare ang nasa hapagkainan? Nagsasayang ako ng pagkakataong maging masaya. Kare-kare ang isa sa nagpapasaya sa aking araw. Napakasarap nito at kakaiba talaga ang kanyang lasa. Pagtinikman mo ito ay makakaramdam ka ng kakaibang pakiramdam. Ang putahing ito ay binubuo ng napakadaming sangkap na maganda rin sa ating kalusugan. Madami itong nilalaman na gulay at napakasarap kung dinikdik na mani mismo ang gagamiting pangsabaw at dinikdik na bigas upang maging malapot ang sabaw nito. Mabibili ang mga sangkap sa mga supermarket at mga palengke. Madali lang itong bilin ngunit mahirap iluto dahil madami itong kailangang gawin pa ngunit pagkatapos naman ay walang hanggang kasiyahan ang mararanasan.

Ang mga gagamitin na ingredients ay:
  • 1 buntot ng baka (mga1 o ½ kilo), hiniwa ng tig-3 pulgada
  • 5 kutsaritang mantika
  • 5 ulo ng bawang, pinitpit
  • 1 katamtamang laki ng sibuyas, hiniwa-hiwa
  • ¼ tasang katas ng achuete
  • 1 puso ng saging na saba, hiniwa ng pahaba
  • 2 tali ng sitaw, hiniwa ng tig-2 pulgada
  • 4 katamtamang laki ng talong, hiniwa ng tig-1/2 pulgada
  • ½ tasang bigas, tinusta at dinikdik ng pino
  • ½ tasang peanut butter, asin ,paminta, betsin
Ang mga gawi sa pagluluto nito ay palambutin ang buntot ng baka. Hanguin mula sa tubig at prituhin ng bahagya sa mantika. Igisa ang bawang at sibuyas sa mantika.
Idagdag ang katas ng achuete. Igisa hanggang lumabas ang mantika ng buntot ng baka. Idagdag ang gulay at kaunting tubig upang magkasarsa. Idagdag ang pinulbos na bigas at peanut butter na tinunaw sa 3/4 tasang tubig. Timplahan ng asin,paminta at betsin.ihain ng may kasamang bagoong alamang.

Kung hindi mo pa ito natitikman, sinasayang mo ang iyong buhay kaya subukan mo na itong tikman at sinisigurado kong makakalimutan mo ang iyong pangalan. Masasarap ang lutong pinoy kaya tangkilikin natin ang mga ito at hinding-hindi kayo magsisisi sa inyong desisyon. Kare-Kare ang magpapasaya sa inyong araw kaya wag ng magsayang pa ng oras, tara na't kumain ng aking paboritong Kare-Kare!


-Kate Arby Benito

Sizzling Sisig

Sisig :)

               Kain dito, nguya dun. Tunay nga namang tayong mga pinoy ay likas na mahilig kumain. Hindi mawawala ang mga pagkain sa bawat selebrasyon o okasyon. Naging bahagi na ito ng ating kultura at patuloy pang pinagyayaman gamit ng mga pagkaing natin ngayon. 

               Sisig, isang pagkaing pinoy na pinoy na galing sa Pampanga. Kung titingnan palang, kalasap lasap na ito. Ginagamit ito sa iba't ibang okasyon o pagdiriwang. Maaari ring gawing pulutan o simpleng ulam lamang. Ang sisig ay pinagsama samang parte ng baboy; utak, tenga at kung anu ano pa. Nakakapagpalasa naman dito ang sili at kalamansi. Mayroong sisig sa mga karinderya at piling restawran. Pwede din naman kayong mamili kung anong klaseng sisig, dahil mayroon na ring chicken, tuna, bangus at tofu sisig. Para lalo pang sumarap maaari itong lagyan ng mayonnaise at itlog. Hinahanap-hanap nating mga pinoy ang kakaibang lutong at anghang ng sisig lalo na't kung sasabayan ng beer.

           Ang sisig ay isang pagkaing puro taba na maaaing maging sanhi ng hypertension. Kaya't para sa mga taong mahihina ang loob, mas inirerekomenda ang ibang order ng sisig gaya ng bangus, chicken o tofu sisig.

           Nabusog ka ba? Kung hindi pa, tara na't magfoodtrip at nang matikman ang tunay nitong lasa! Tiyak na mapapasarap ang kwentuhan niyong mgkakaibigan, hinay lang at baka makalimutan ninyo ang inyong pangalan sa sobrang sarap ng sisig kasama ng isang malamig na san mig. Mahaba habang kainan to. :))

Bridgette Lopez

KESONG KESO ANG SARAP! :)

Sa libo-libong pagkain na nakain ko na talagang kay hirap mamili kung ano nga ba ang pinaka-paborito ko sa lahat. Siguro ang pipiliin ko ay ang 3-Cheese Ravioli . Sa totoo lang ay ngayong taon ko lang itong natikman at wala pa sa sampung beses na ito'y aking nakain. Ngunit hindi lang kasi sa sarap nito kaya ko nasabing ito'y aking paborito. Meron ding masasayang alaala kaya ko nasabing paborito ko ito. Una ko itong natikman sa Pizza Hut. Simula noon, tuwing kakain ako doon ay lagi ko itong inoorder. Naaalala ko noon nang magpaalam ang aking isa sa mga malalapit na kaibigan. Babalik na kasi siya sa Korea kaya naisip naming kumain sa labas kasama ang among tropa. Napag desisyunan naming sa Pizza Hut kumain. Inorder ko noon ang 3-cheese ravioli, talaga namang nasarapan ang aking mga kasama. :)





Eto ang recipe para sa Filipino style na 3-cheese ravioli:

INGREDIENTS:
PROCEDURES:
  • To make the ravioli:
  • Put the grated cheeses on top of a lasagna square
  • cover with another lasagna square, forming a cheese ravioli (press sides of ravioli with a fork to seal in the cheese
  • To make the sauce:
  • in a shallow pot, put in oil and then saute the onions
  • add in the campbell's soup
  • stir in the milk
  • add in 1 cup of cheese
  • add in the cheese ravioli

TRY NIYO! :)
- Ma. Cecilia Tinio

Saturday, November 27, 2010

Oh-la-la sa Sinigang sa Buko

Sinigang sa buko. Hindi ka nagkamali ng basa. Oo, sinigang yan sa buko. Bakit hindi mo tanungin ang kakilala mong Bikolana o Bikolano? Tiyak alam nila iyan. Sa Bikol kasi nagmula ang recipe nito. Maaaring napangiwi ka dahil mukhang hindi naman nito mahuhuli ang panlasa mo. Ngunit bakit hindi mo subukan? Ganyang- ganyan dina ko nung una eh. Sabi ko pa nga, "Eeeewww bakit buko yung isasabaw? Ano na lang ang magiging lasa nyan?" Kaso napagtanto ko naman napakajudgemental ko. Bakit hindi ko muna tikman tapos dun na lang ako magreact. Ayun, tinikman ko. At napatunayan kong masarap talaga ito. Pagkahigop ko pa nga ng sabaw nito nadama ko ang pagguhit ng ngiti sa mapupula kong labi. Haha nakakatawa pero totoo naman ito.

Narito ang recipe:


Sangkap:
1 / 2 gabi
2 kamatis, 1 sibuyas
1 labanos
2 sili
1 / 4 sampalok
hipon/ baboy/ baka
1/2 tali ng kangkong
sabaw at laman ng buko

Paano ang pagluluto:

Una, ilagay ang gabi sa kumukulong tubig. Tapos ay ilagay na ang lahat ng mga gulay maliban sa kangkong. Isabay na rin ang hipon/ baboy/ baka. Patayin ang apoy saka ilagay ang kangkong at sabaw at laman ng buko.

Syento porsyentong magugustuhan nyo ang lasa nito. Malinamnam kasi ang bawat higop ng sabaw. Nag-aagaw ang tamis at asim. Ibang-iba sa mga yuswal na sinigang. Hindi ka makakatulog hanggat hindi ka nakakaubos ng isang mangkok ng sabaw nyan. Baka nga sabihin mo sa ate mo o sa nanay mo na ito na lamang ang iulam mo araw-araw. At malala, ay ang sabaw na lamang nito ang baunin mong tubig sa eskwela. Ano pang inuupo- mupo mo dyan? Tumayo ka na sa harap ng kompyuter. Mamili ng sangkap. Magluto. At maadik sa sinigang sa buko.

Brenda monderin-1t2

Chicken Curry :)

Maraming klase ng putahe ang may pangalang chicken curry, iba't-ibang paraan ng pagluto, iba't-ibang lasa. Ngunit para sa akin, iisa lamang ang pinakamasarap, ang Chicken Curry Filipino Style. Hindi nawawala ang putaheng ito lalo na kapag may handaan o salo-salo ang pamilya. Sikat ang putaheng ito sa Pilipinas at marami sa mga kamag-anak kong tiga ibang bansa ang nagsasabing hinahanap-hanap nila ang sarap ng Chicken Curry. Habang sinusulat ko ang blog na ito, tila naaamoy ko na ang bango ng gata o coconut milk na isa sa pangunahing sangkap ng Curry.

Mmmmm... Amoy pa lang alam mo na na Chicken Curry ang ulam. Abot hanggang sala ang mahalimuyak na amoy na nagmula sa kusina. Hindi ba't talaga nga namang nakaka-enganyo kumain kapag masarap ang ulam na nakahain. Basta't may Chicken Curry sa lamesa, tiyak na simot ang plato at busog ang tiyan ko. Para bang may burning sensation sa aking bibig sa bawat subo ko nito. Naaalala ko tuloy nung "highschool days" kung saan ang saya-saya namin ng aking kaibigan kapag ito ang ulam sa canteen. Minsan nga ay nagcu-cutting nalelate pa kami sa klase dahil sa tagal sapagkat ang dami naming kinakaing curry. Sa mga di na makapgpigil, ito ang larawan upang mas lalo pa kayong manggigil.


Sa mga naglalaway, di mapakali, at natatakam na sa Chicken Curry, narito ang paraan kung paano makakamtan ang pinakalalasap-lasap na ulam: isang kilong manok, coconut milk, curry powder, patatas, green at red bell pepper, asin, paminta, sibuyas, at bawang. Ang dami ng sangkap na dapat ilagay ay depende sa panlasa. Bagamat may kaunting katagalan. Napakadali lamang ng proseso ng pagluluto ng Chicken Curry. Una, pakuluin ang manok at 
hiwain ayon sa serving pieces, gayon din ang patatas. Sunod ilagay ang bawang at sibuyas sa kawali at idagdag ang iba pang sangkap gaya ng green at red bell pepper. I-season ito ng curry powder, asin at paminta. Maglagay ng tubig at pakuluin ito ng ilang minuto. Huli ay ang coconut milk, lutuin sa loob ng pitong minuto at voila, luto na ang putahe. Hindi lamang masarap ngunit marami ring bitamina ito. Ang green bell pepper ay may vitamin K at C good source ng fiber. Ang red pepper naman ay may antioxidant lycopene at may vitamin B6 na nagpapababa ng "risks of heart attack." Ang curry powder naman ay may curcumin, ang nagbibigay ng dilaw na kulay sa chicken curry ay isang antioxidant at may agent ito na nakakatulong upang maiwasan ang rayuma, skin cancer, breast cancer, pancreatic cancer. Tumutulong din ito upang lumakas ang ating memorya ng sa gayon, maiwasan ang Alzheimer's disease. Nilalabana ng curry powder ang skin-aging at ginagamit ito upang gamutin ang iba't-ibang klase ng sugat sa balat.
Kaya ano pang hinhintay ninyo?? Huwag ng mag-atubili at kumain na ng CHICKEN CURRY! Masustansya na, masarap pa lalo na kung may kasamang patis.


Camille Ann R. Tamondong
1T2

Ohh my SIOMAI! :)

Noong inannounce ni G. Reyes na kailangang gumawa ng isang blog tungkol sa isang paboritong pagkain, ako'y lubos na nahirapan at napaisip. Halos isang linggo ko nang pinag-iisipan kung ano ang itatampok kong pagkain sapagkat lahat naman ay paborito ko. :)) Likas na siguro sa ating mga Pilipino ang kahiligan sa pagkain. Tayo lang yata ang di nakukumpleto ang araw kapag hindi tatlong beses kumain sa isang araw. Kung minsan nga ay nagiging lima o anim pa dahil may mga snack pa - morning snack, merienda at midnight snack. Ngunit sa akin, marahil ay lumalagpas pa sa anim. Oo, hindi halata sa katawan ko na ako'y mahilig sa pagkain ngunit mapapatunayan ito ng ng aking mga kapamilya, malalapit na kaibigan at dorm mates.
Hindi ko din maipaliwanag ngunit sa tuwing kakain ako, ibang saya ang naidudulot nito sa akin. Ito na ang naging gawain ko lalo na kapag ako ay stressed, depressed, nalulungkot, nagagalit, naiinis, masaya at kahit ano pa ang emosyon ko. Ito ang nakakapagparelax sa akin. Ito ang nagtatanggal ng galit at inis ko, ng pagkapagod. Para bang ito na ang gamot na maituturing ko, isang reliever!

Noong bata pa ako, hindi ko gusto ang lasa ng siomai. Kumabaga hindi ko "maappreciate" yung lasa nito ngunit hindi naman sa hindi ko ito nasasarapan. Hanggang sa tumungtong ako sa Elementarya, araw-araw ay napupuno ang tapat ng eskwelahan namin ng iba't ibang street foods na itinitinda. Pinagbabawalan akong bumili ngunit may katigasan ang ulo ko, siyempre naman ay gusto ko ding matikman ang iba't ibang pagkain dahil nakakasawa ang mga pagkain sa bahay. Dito ay natikman ko muli ang siomai, fried siomai ang uso noon sa amin. Talaga naman! Mula ng matikman ko ito, hinanap-hanap ko na! Naappreciate ko na ang lasa nito, at masarap pala talaga. Mapafried man o steam, WINNER pa din! ;)

Ang siomai ay mula sa bansang Tsina. Nagkakahawig sila sa konsepto ng paggawa ng Lumpiang Shanghai, nagkakaiba lang sa hugis at pambalot na ginagamit. Hindi gaya ng ibang pagkain na makikita sa mga gilid ng kalsada, masasabi ko na masustansya ito sa katawan. Ang major na sangkap nito ay giniling na baboy, hipon (optional), carrots, itlog at iba't ibang pampalasa na nais mong ilagay. Hindi ka masisiyahan sa pagkain ng siomai kung walang sawsawan na toyo, calamansi at chili sauce kung saan nag-aagaw ang alat, asim at anghang. Sa ibang bilihan, meron pang garlic na inilalagay na nagpapasarap lalo.

Ang buhay ko ngayong nasa kolehiyo ay hindi madali. Bago sa akin halos lahat ng bagay dito sa Maynila. Malayong-malayo sa nakasanayan ko sa probinsya, sa Nueva Ecija kung saan simple ang lahat. Ngunit dahil sa ako'y nasa kolehiyo na, kailangan ko ng umalis o lumayo sa "comfort zone" ko. Kailngan ko ng matutong tumayo sa sarili kong mga paa o maging isang independent. Ang mga naunang buwan ng kolehiyo ay hindi naging madali sa akin, ako'y nahirapang mag-adjust. Naisip ko ng sumuko at mag-aral na lang sa mas malapit na paaralan sa aming probinsya. Ako'y laging depressed at malungkot noon. Isang hapon, pagkatapos ng klase, ako'y lumabas sa Lacson gate, tila ba wala ako sa sarili at tinititigan ko lang ang mga nadadaanan kong mga estudyante na nakatambay, kumakain, nagkkwentuhan, nagyoyosi atbp. Hanggang sa isang stall ang pumukaw sa atensyon ko. SIOMAI! Takot man akong bumili sapagkat sabi nila ay marumi daw ang mga pagkain na itinitinda sa may kalsada,bumili pa din ako. Dumagdag pa sa kaligayahan ko ang mura nitong halaga! Ang limang piraso ay bente pesos lamang! Napakahusay! Pag-uwi ko sa dorm ay agad ko itong nilantakan, at talaga namang napawi ang lungkot ko! Siomai lang pala ang sagot sa lungkot ko.


Ang bawat kagat at subo ko sa siomai ay sapat na para magbigay ng ngiti sa akin. Naalala ko noong hayskul ako, isinama ko ang Siomai sa isang proyekto namin kung saan ilalagay mo ang mga bagay/tao na nagbibigay ng kaligayahan sa'yo. Habang ang mga kamag-aral ko ay pangalan ng iba't ibang tao at materyal na bagay ang inilagay, ako lang ata ang namumukod-tanging naglagay ng iba't ibang pagkain  sa kategorya ng "Simple Joys" at siyempre hindi mawawala ang Siomai. :)

Kung minsan, pinapahirapan natin ang buhay natin. Ginagawa natin itong kumplikado lalo na sa paghahanap ng kaligayahan. Kung saan-saan pa tayo lumilingon, kung anu-ano pa ang hinahanap natin ngunit hindi natin alam, nasa harap na lang natin kung minsan, ayaw lang nating tignan. May mga simpleng bagay tayong binabalewala sa kadahilanang simple o maliit nga lamang ito, ngunit saka lang natin maiisip ang importansya nito kapag nawala na o kapag may kakaibang idinulot sa atin. Sa akin, ang siomai ay isang simpleng pagkain lamang, makikita kahit saan, kahit anong panahon at murang-mura, ngunit ang simpleng pagkain na ito ang ipinagmamalaki kong isa sa mga simpleng kaligayahan ko sa buhay at isa sa mga dahilan kung bakit naeenjoy ko ang pag-aaral ko sa UST. :)

--JAMILLA CHERI MAGNO