Tuesday, November 23, 2010

Yakap ni Mama; Sinigang na Hipon

Isa akong seafood lover, at ang pinakapaborito kong seafood dish ay ang sinigang na hipon. Mmmm, tina-type ko pa lamang ito, eh talaga namang natatakam at nagce-crave na ako. Ang asim at linamnam ng sinigang na hipon ay ang tanging putaheng kaagad-agad na makapagpapaalala sakin ng aking Mama. Nagsimula ang pagkahumaling ko sa putaheng ito noong ako’y hayskul. Noong bata pa ako eh hindi ko pinapansin ang sinigang. Ayaw ko nito sapagkat hindi ako mahilig sa sabaw at lalong lalo na sa gulay. Madalas noon ay puro piniritong isda at karne lamang ang kinakain ko. Pero dumating ang araw na siguro’y nagsawa na rin ako sa tuyo at malutong na ulam (..o baka may sumaping mabuting espiritu sakin, ewan.), sinubukan ko ang nilutong sinigang na hipon ni Mama. Mula nang araw na iyon ay iyon na ang naging paborito kong pagkain. Naaalala ko pa nga noong sabihin ko kay Mama na kahit araw-araw iyon ang lutuin niya, okay lang. Hindi ako magsasawa.

Ang sinigang na hipon siguradong maganda sa ating kalusugan dahil lahat na ay nasa putaheng ito. Kangkong, sitaw, sampaloc, kamatis, sibulyas at syempre, hipon.  Ang mga ito ay pinaniniwalaang mayaman sa mga bitamina at mga mineral. Bukod pa diyan, dahil seafood ito ay mayroon lamang itong kakaunting fats. Ang pag-kain raw ng seafoods nakapagpababa ng posibilidad na magkaroon ng sakit sa puso. Kaya naman mahal ko ang sinigang na hipon eh, dahil bukod sa masarap at nakakabusog ito, napakarami pang health benefits nito.

Ngunit simula nang lumipat ako dito sa Maynila upang mag-kolehiyo ay bihira na akong maka-kain ng sinigang na hipon. Wala dito ang Mama ko upang ipagluto ako nito. Hindi rin naman ako marunong magluto nito (sinubukan ko dati, pero… nevermind.). Kaya naman tuwing umuuwi ako ng Bicol ay sinigang na hipon ang unang unang niluluto ng aking Mama. Ewan ko ba, pero may kakaiba sa kanyang luto. Basta, iba ang timpla niya nito. Kaya kahit saan ako magpunta, sinigangnahiponnimama ang hanap ko. Hindi basta-bastang sinigang na hipon, kundi sinigang na hipon na niluto ng aking Mama. Napakasarap ng pakiramdam ko tuwing kumakain ako nito, para bang ramdam na ramdam ko sa putaheng ito ang kanyang pagmamahal; napapawi nito ang anumang puot o kalungkutang nararamdaman ko. Kaya naman nami-miss ko nang sobra si Mama. Hindi na ako makapaghintay na umuwi  sa Bicol at matikmang muli ang sinigang na hipon ni Mama. Basta’t sinigang na hipon, si Mama ang agad-agad na pumapasok sa isip ko.


Hennie Lynn P. Fortuin

8 comments:

  1. Gusto ko rin matikman ang Sinigang na Hipon ng Mama mo. Feeling ko ang sarap eh. Hahaha :)

    ReplyDelete
  2. Hindi ako mahilig sa seafood eh, pero parang gusto kong tikman 'to. Mukhang masarap lalo na yung luto ng mama mo :D

    ReplyDelete
  3. FAVORITE KO DIN TO! :) lalo na kapag fresh ang hipon na nakahalo. :D

    ReplyDelete
  4. problema lang ang balatan ang hipon eh hahaha! higop ka ng sabaw nyan hennie para gumaling ka :D magaling yung pag explain mo. nakakagutom hahaha

    -PAOLO

    ReplyDelete
  5. GUSTO KO DIN TIKMAN.. KAXO d ako kumakain ng hipon.. :(

    ReplyDelete
  6. Mahusay ang pagkakadescribe. Masarap talaga ang sinigang :)

    ReplyDelete
  7. masarap talaga tong sinigang na hipon lalo na kapag mainit ang sabaw :)




    -rsohiko cellona

    ReplyDelete
  8. Paborito ko din ang hipon kahit na may allergy ako dun. :D

    ReplyDelete