Saturday, November 20, 2010

Matatahoan ka sa taho!



                     Ang panlasang pinoy ay talaga namang premyado . Sa katuwang na tamis nito ay swak na swak sa ating panlasa. Pero ano nga ba ang batayan upang masabi na masarap ang pagkain? Kapag mainit ba? Malinamnam? o Mabango? Ang mga katanungang iyan  ang naglalaro sa aking isip kung ano ba talaga ang batayan sa pagpili dahil sa rami ng baryasyon na nalalasap natin ngayon. Pero kaiba ito dati dahil simple lang naman ang mga pagkain noong unang panahon. Walang mga mabilisang pampalasa o di kaya nama’y pampaarte. Ang pagkain noon ay talagang natural at nilalasap ng kaigiran. Marami na rin ang tumatak na pagkaing pinoy. Nariyan ang adobo, mga kakanin, at siyempre ang aking paboritong panghimagas tuwing umaga, ang taho (dyandyaraaaaaaan!).
            
                    Ang taho ay talaga namang masarap kainin at kahit sinong pinoy ang tanungin mo ay alam ito.  Lumipas na ang ilang dekada pero narito pa rin ang taho at nilalako. Isa ito sa mga pagkaing masustansya na ay abot kaya pa ng bulsa. Sa halagang limang piso ay matitikman mo na ang taho na kay sarap namnamin. Ang taho ay isang uri ng pagkain na binase at hinango pa natin sa mga tsino. Ang salitang taho ay nanggaling sa salitang intsik na douhua na ang ibig sabihin ay tofu pudding. Naimpluwensyahan kasi tayo dati ng mga intsik dahil sa pakikipagkalakalan.  Simple lamang ang sangkap ng taho pero winner naman kapag iyong nilagok ang manamis-namis at malapot nitong tekstura. Ang balatong (softened tofu), arnibal  (caramelized sugar with vanilla) at sago (pearl  tapioca) ang mga pangunahing sangkap nito. Narito ang mga paraan ng paggawa:  Una, Ihanda ang sariwa at makinis na tofu. Kailangan itong iproseso  upang makalikha ng mala-leche flan na texture o di kaya nama’y custard. Pangalawa, pakuluan ang asukal at ilagay ang banilya kapag ito’y nanlalagkit na. Pangatlo, Pakuluan ang sago at siguraduhing mala-goma  ang consistency nito kapag kinagat. At pagkatapos ay maaari nang ilagay ang bawat isa sa lalagyan. Maaring kainin  ito ng nakakutsara, naka-straw o di kaya nama’y maaaring  lagokin na lamang para sa isang masarap na taho experience.
           
                  Kung nanghihina ka at yamot na yamot, aba’y taho rin ang iyong sungaban at lantakan. Ang taho ay punong-puno ng protina, kung saan nakakapagpababa ito ng cholesterol  at nakakaprevent ng risk ng heart disease. Isa pa ay meron rin itong sangkap na Isoflavones kung saan nakakapagprevent  ito ng kanser sa breast, uterus at prostate.  At alam nyo ba na mahigit kumulang 323 calories ang nakukuha ninyo sa pagkain nito. Hay! Talaga nga namang kay sustansya ng taho!
           
                 Bago matapos itong aking isinusulat ay ikukwento ko muna ang aking experience sa taho! At di ko na patatagalin pa dahil heto na: Noong bata pa ako at nakatira pa kami sa luma naming bahay ay may palaging naglalakong mama na sumisigaw ng taho sa rurok ng kanyang boses. Tahhhhooo! Tahhhhooo! At bilang bata ay talaga namang naenganyo kaming bumili. Nagmadali ang nanay ko na kumuha ng baso at lumabas kami sa gate ng ate ko. Nakakatakam ang bawat salok niya ng taho sa baso. Dali-dali naming pinagpilian kung alin ang mas maraming arnibal at sago. Matapos noon ay kinuha ko ang aking paboritong kutsara na inilaan ko ng buong puso para lamang sa taho at di ko ito ginagamit sa ibang pagkain. Dinurog ko ng pinong-pino ang taho na animo’y pagkaing beybi. Sa bawat lagok ko ng taho ay nginangata ko muna ang maliliit na sago na dumudulas sa aking bibig .Glog!glog!Glog! Talaga nga namang nakakatuwang kumain ng taho. Masustansya na ay masarap pa!  Sa pagising sa umaga ay may dalang pag-asa. Ang bawat gawin at kainin sa oras na ito ay mainam para magkaroon ng lakas sa buong araw. Kaya sister, magtaho ka na!

©                      Clarisse Roselle A. Aringo  ' - '

11 comments:

  1. nakakamiss namang kumain ng taho, napakaraming ganyan sa UP at dahil dun, napapakain ako ng hindi oras. lalo na kapag marami ang sago, at ni-rerequest ko talaga sa magtataho na damihan ang sago pag bumibili ako. sa 10 or 20pesos lang, makakakain ka na ng napakasarap na pagkaing Pinoy na ito! :)

    ReplyDelete
  2. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  3. aw taho, naaalala cu tuloi nung bata pa cu . haha .. masarap nga yan ;) nice work ! --jhe

    ReplyDelete
  4. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  5. Masarap talaga ang taho! Paborito ko yung arnibal. Hehe. Kahit lumipas na ang panahon, nakikita ko pa rin hanggang ngayon yung naglalako ng taho rito sa village namin. Bata pa lang ako, naglalako na 'yun... Akalain mo 'yun? Ilang taho... este taon din 'yun ah pero hindi pa rin kumukupas sa pagtataho si manong! Hahaha. Nakakatuwa rin kasi nu'ng pumunta kaming Baguio, nalaman kong may ibang flavor pala ito--strawberry-flavored taho! :D At hanggang sa pinapasukan kong unibersidad, nakakakita pa rin ako ng mga nagtitinda nito.

    Halos lahat ata ng mga Pilipino alam kung ano ang taho. Sino nga ba ang hindi? Kawawa naman. :))

    Kahit nanggaling ang taho mula sa impluwensiya ng mga Tsino, pagkaing-PINOY pa rin ito! :D

    ReplyDelete
  6. nako favorite ko to! masarap na healthy pa. gusto ko tuloy ng taho... :)

    ReplyDelete
  7. Naku! Favorite ko talaga ang taho hanggang ngayon. Sa tapat lang ng school namin ay may taho! Kaso mahal. Pero okay lang kasi andami talagang arnibal!!! Tas mainit pa! :) Kaya ayun. Dati halos every week ako bumibili. Ngayon hindi na masyado. Tumataba na naman kasi ako. :( Pero pag hindi mapigilan, nakuuu go lang. :)

    ReplyDelete
  8. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  9. Naalala ko tuloy nung bata ako. Healthy na, masarap pa. ;)

    -Ivy

    ReplyDelete
  10. ANG SARAP BALIKANG ANG CHILHOOD. :)yun bang simpleng taho lang at kung magpapadagdag ka ng arnibal eh libre pa. :D

    ReplyDelete
  11. Grabe.. Hindi ko pa rin nga mapigilang bumili niyan sa UP eh.. Haha. Hindi lang dahil masarap, kundi naging parte na siya ng buhay natin. Ang kultura nga naman natin.. :)

    ReplyDelete